Tuesday, May 23, 2006

Relika ng Pilak

Ihahayag ko na kabanalan ang pagtitiis – tulad din ng pagkapako
sa krus – sa klawsura ng magkakapatong na abito, sotana,
at estola kung nagliliyab na ang daigdig…

Maninikluhod pa rin kayo at mangingislap ang mga balintataw
sa duguang rebulto – humalili siya sa inyong pagtangis
nang takasan kayo ng ulirat sa taggutom na ipinagkaloob
ng kaibaang kaanib ng mga uwak; parang ginintuang palayan
ang tingkad ng pangakong mabubuhay ng masagana
sa pagbaba niya sa kinasasadlakang krus – habang pinipiga ko
ang inyong mga luha at pawis upang magkahalong dugo na aagos
sa kaluluwang dayuhan sa alab ng lupa o habang minamasa ko
ang mga mumog at ipa na sinaid ninyo sa mga tapayan upang ostiya
na ipapalamon sa mga bathala na patron ng pamahalaan.

Dito sa pulpito, ipapaliwanag ko ang mga pangitain
ng mga mapupulang hapon na sumusunog sa pangako
ng bahaghari: nalalapit na ang pagkampay ng puting kalapati
na ang pakpak ay gintong kayamanan ng lahi. Patototohanan ko
na ang kuwaresma ay panahon ng pagtitiis sa hikahos
at pagkakabitak-bitak ng laman; pag-iisang dibdib ng mga hapis
ng bukang liwayway at luha ng dilim; pagkakalapag ng Bibliya
sa dulang at tatangisan ng mga balo at ulila sa gabing umiiling
ang mga patpating butiki.

Yuyukod ako at uusalin ang inyong mga dalangin: piging
sa dulang na nag-alay ng samyo at lasa; pagkahimlay sa abel
na naburdahan ng pananahan; pagkasaboy ng hamog
na magkakanlong sa busilak na ngiti ng umaga.

At saka ilalapat ang biyaya sa dila ng mga pinunong naghandog
ng papel na tutugon sa suliranin ng mga pundidong ilaw,
bulok na sasakyan, gutom na tiyan at puson, sagradong utak
samantalang ihahabi ko kayo sa lilang lino na tumatalukbong
sa simbahan at iguguhit kayo sa leksiyonaryo ng mga banal.

Maghuhugas ako ng agua bendita nang malunod
ang mga kilabot at sindak at agam-agam sa dibdib.

Patawad…

Kapag umalsa ang dugo

Sa lahat ng nasulat, mamahalin ko lamang ang isinulat ng tao sa pamamagitan ng kanyang dugo.
– Friedrich Wilhelm Nietszche


Baliw ako sa akala nila kung sasayaw ako sa mga kalsada,
magtatadek ako sa pagdating ng mga diyos ng pagsasalu-salo,
ang mga guro ng nararapat na pagsasalu-salo;
wika ng ating lakambini: wala nang ililimos na mumog
sa mga pulubi sapagkat nahimbing na sa kaloob
ng mga ebanghelistang butyog, ang nagsulat sa kanilang gutom
sa leksiyonaryo ng mga banal; inihayag sa mga bundok
at parang at lambak ang pinagsaluhang pighati
at sa pagdedebosyon nila sa katawan at dugo:
sila ang mga banal sapagkat sawa na silang siyasatin
ang halakhak ng kaibaan, ang bathala ng taggutom.

Baliw ako, ayon sa kanila, kung iipunin ko ang dugo,
ililimbag ko sa pader ang aking pangalan sapagkat pag-agos
ng pawis, luha o dugo ang kabayanihan; kinapon ako
nang gagapiin ko na sana ang mga kaaway ng pagdarahop,
tinalian ang ilong ko ng dolyar at gasolina at nagprusisyon ako
sa kanilang palad.

Baliw ako sa tingin nila kung sasapian ako ng espiritu
ng dugo ng mga magsasaka o mangingisda o piyon
sapagkat kabaliwan ang pula o kaluluwa ng ligaw;
hindi nagagapi ng piso o ginto o muleta.

Baliw ako sa kanilang akala kung magmamahal ako
sa dugo, ang dugong kabiyak ng hininga, kakambal ng puso
ng nagmamahal sa Diyos na darating at sasayaw
sa lansangan, tatadekan ang espiritu ng dugo
ng bundok, parang at lambak: magkakaisa
silang aagos sa dibdib ng daigdig.

Inplasyon ng Hininga

Kinukuyog ng pangamba ang aking bumbunan:
mananahang katulad ng pagkakalibing ng mga kalyo
sa aking mga palad.

Tuwing pinagmamasdan ko ang paghamon
ng gusali sa maitim na langit, kumikirot ang dulo
ng daliring pinarusahan ng martilyo; mahapdi
ang paang nilapastangan ng maso; naghihimagsik
ang braso’t balikat na nakipagtunggali sa semento’t graba.

Habang labas-masok ang mga kumikinang na sapatos,
magugunita ang pilit na pagsubo ng kaning pinalasa ng asin
sapagkat nilamon na ng maleta pati kamatis at tinapa.

Sa pagtingala ko ay lulusubin ng kilabot ang dibdib:
ang pagbagsak ng katawan ay kasabay ng inplasyon
ng aming paghinga, gutay-gutay na bago pa man
lumapag sa alikabok.

Kahit umiyak ang langit, di na matitinag ang gusali.

Uuwing pasan ang balikat; giniginaw ang sikmura;
nagsusumigaw ang punit na bulsa. Sisiyasatin ko
ang bawat hakbang, baka sakaling makatisod ng barya.